
Ang 15 anyos na binatilyo ay namatay matapos magulungan ng dump truck ng kanyang ama sa loob ng construction site sa lumang Pasig City Hall, Barangay San Nicolas, Pasig City, noong Huwebes ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon ng Pasig police, iniaatras ng 41 anyos na ama ang truck nang aksidenteng madaganan at magulungan ang binatilyo na natutulog sa likod ng sasakyan.
Agad na dumating ang mga emergency personnel ng Pasig local government at pulisya sa lugar. Idineklarang patay sa spot ang biktima. Naaresto ang ama-drayber at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Nangako ang Pasig local government na tutulungan nila ang pamilya ng biktima at ipag-uutos sa construction consortium na repasuhin ang kanilang safety measures para hindi na maulit ang trahedya.