
Ang BTS member na si Jin ay muling magbabalik sa musika sa kanyang ikalawang mini-album na "Echo". Kasabay nito, inanunsyo ng BIGHIT MUSIC noong Mayo 12, 2025 na may ilalabas din siyang music video para sa lead single na "Don’t Say You Love Me". Ang MV ay kinunan sa iba’t ibang lokasyon sa Singapore.
Makakasama ni Jin ang sikat na aktres na si Shin Sae Kyeong, na kilala sa mga palabas tulad ng Rookie Historian Goo Hae-Ryung, Run On, at ang pinakahuli niyang role sa Captivating the King (2024). Huli siyang napanood sa isang MV noong 2022 para sa awiting “One More Time” ni Paul Kim.
Inaasahang ilalabas ang MV at buong mini-album sa Mayo 16, 2025 (Biyernes) ng 12:00 PM PHT. Isang panibagong chapter na naman ito para sa mga ARMY na sabik sa solo releases ni Jin!
Bukod dito, inaasahan ding magpe-perform si Jin sa "The Tonight Show Starring Jimmy Fallon" sa Mayo 21 (Miyerkules), kung saan unang beses niyang kakantahin nang live ang "Don’t Say You Love Me".
Excited na rin ang mga fans para sa unang solo tour ni Jin na pinamagatang #RUNSEOKJIN_EP.TOUR. Magsisimula ito sa Goyang, South Korea sa Hunyo 28–29, at susundan ng mga shows sa Chiba, Osaka, Anaheim, Dallas, Tampa, Newark, London, at Amsterdam.