Ang dalawang kawatan ay nabigong manakaw ang isang keyless na motor ng isang motor taxi rider sa Sampaguita Street, Brgy. 188, Caloocan, noong Linggo ng madaling araw, May 18, 2025. Tinakot pa nila ang biktima gamit ang baril at hinampas sa ulo, pero hindi pa rin nila nakuha ang motor.
Ayon sa Caloocan Police, nag-book sa app ang isa sa mga suspek para makuha ang rider. Pagdating sa area, naghiwalay sila ng kasama at nilapitan ang rider. Isa sa kanila ang tumutok ng baril habang yung isa pumuwesto sa tabi ng rider.
Makikita sa CCTV na sinubukang paandarin ng nagpanggap na pasahero ang motor pero hindi ito gumana dahil agad pinindot ng biktima ang off button. Dahil dito, hindi nila naitakbo ang keyless na motor.
Tumakas ang rider at humingi agad ng tulong sa mga tanod. Helmet lang ang nakuha sa kanya ng mga suspek. Naka-coordinate agad ang barangay at pulisya para i-check ang CCTV at matukoy ang direksyon ng mga suspek.
Tukoy na ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kasalukuyan nang hinahanap ng mga pulis. Kakaharapin nila ang kasong carnapping. Paalala ng pulisya: “Laging doble-ingat sa mga booking lalo na kung may kahina-hinala. Mabuti na lang, kalma at alerto ang rider kaya hindi nila nakuha ang motor.”