
Ang Korte Suprema ay binaligtad ang desisyon ng Court of Appeals matapos hindi payagan ang annulment na hiningi ni Leonora Dela Cruz-Lanuza laban sa kanyang asawa. Ayon sa Korte Suprema, puwedeng gamiting basehan ang pangangaliwa, pag-abandona ng halos 30 taon, at hindi pagbibigay ng sustento sa annulment ng kasal.
Inilahad ni Leonora na ang kanyang asawa, si Alfredo Lanuza Jr., ay nagpakasal pa sa ibang babae kahit kasal pa sila. Dagdag pa rito, iniwan niya ang pamilya at hindi na tumulong o nagpakita ng responsibilidad sa loob ng matagal na panahon.
Ayon sa psychological evaluation, may personality disorder si Alfredo na naging dahilan kung bakit hindi niya kayang gampanan ang mga tungkulin bilang asawa—gaya ng pagiging tapat, responsable, at mapagmahal, na nakasaad sa Article 68 ng Family Code.
Pinagbasehan ng Korte Suprema ang mga kilos at ugali ni Alfredo kaya sinabi nilang ito ay isang malinaw na senyales ng psychological incapacity, na sapat na dahilan para mapawalang bisa ang kasal.