Ang isang 30-anyos na buntis mula Georgia, USA ay tatlong buwan nang nasa life support matapos ideklara bilang brain-dead, ayon sa kanyang ina na si April Newkirk. Ayon sa kanya, hindi sila kinonsulta ng ospital tungkol sa desisyon.
Noong Pebrero, nakaranas ng matinding sakit ng ulo si Adriana Smith, isang rehistradong nurse, habang siya ay 9 weeks pregnant. Matapos siyang suriin, nadiskubre na meron siyang blood clots sa utak, dahilan para ideklara siyang brain-dead.
Dahil sa mahigpit na abortion law sa Georgia—na nagbabawal sa abortion kapag may naririnig na fetal heartbeat (6 weeks)—nag-atubili ang ospital na tanggalin siya sa ventilator. Ngayon, 21 weeks na ang kanyang pagbubuntis, kahit wala pa ring kasiguraduhan kung magiging ligtas ito para sa sanggol.
Ayon kay Newkirk, "Hindi ko sinabing pipiliin naming tapusin ang pagbubuntis, pero karapatan naming mamili." Dagdag pa ni Katie Watson, isang eksperto sa medical ethics, wala sa batas ng Georgia na nagsasabing bawal tanggalin sa ventilator ang isang brain-dead kahit buntis.
Marami ang umalma sa insidente—lalo na mula sa mga Demokratiko at pro-choice groups—na nagsabing ang sitwasyong ito ay nagpapakita ng panganib sa mga buntis na kababaihang Black sa mga estado na may mahigpit na reproductive laws.