
Ang LTO sa Western Visayas ay naglabas ng show cause order laban sa isang vlogger matapos mag-viral ang video niya habang gumagawa ng “Superman” stunt sa motorsiklo. Nakasuot lang siya ng brief at crop top habang nakahiga sa motor at umaandar ito sa kalsada ng Barangay San Isidro, Ibajay, Aklan.
Ayon kay Atty. Gaudioso Geduspan II, Regional Director ng LTO-6, malinaw na ito ay reckless driving, labag sa Section 48 ng Republic Act 4136. Dagdag pa ni Engr. Marlon Velez ng LTO Kalibo, “Bilang content creator, dapat ay maging mabuting halimbawa siya.”
Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na si Boy Kayak (tunay na pangalan: Jimmy Lagunday Catarata) ay walang valid driver’s license. Binigyan siya ng limang araw para magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat madiskwalipika sa pagkakaroon ng lisensya habang buhay.
Sinabi ni Catarata na ginawa lang niya ito pang-aliw at wala siyang masamang intensyon. “Sana maintindihan nila, para lang sa entertainment 'yun. Wala naman akong nasaktan,” sabi niya.
Ngayon, pinatawan siya ng P3,000 multa para sa pagmamaneho kahit walang lisensya. Ayon sa Joint Administrative Order No. 2014-01, maaari rin siyang habambuhay na hindi makakuha ng lisensya.