
Ang 24-anyos na si Nayeli Clemente, isang masigasig na atleta at mahilig sa gym, ay nawalan ng malay habang lumalahok sa isang fitness challenge sa Mexico. Sa araw na iyon, umabot ang temperatura sa 96°F (35°C) habang ginaganap ang Cholula Games, isang CrossFit event na may kasamang running, weightlifting, at gymnastics.
Sa gitna ng Team Pyramid Run, kung saan palitan ang mga miyembro sa mas mahahabang takbuhan, bigla siyang nahirapang huminga at nawalan ng malay. Agad siyang niresuscitate ng mga medical staff bago dalhin sa ospital, ngunit hindi na siya naisalba. Ayon sa kanyang kapatid, si Nayeli ay inatake sa puso matapos makaranas ng stroke.
Ipinaliwanag ni Dr. Karlo Baybayan na ang init ng panahon ay nagpapahirap sa katawan na mag-regulate ng temperatura, kaya mas nahihirapan ang puso lalo na sa mga physical activities. Kapag kulang sa tubig at electrolytes, maaaring maapektuhan ang pagdaloy ng dugo at magdulot ng cardiac arrest o stroke.
Nagbabala rin ang mga doktor na ang mga atleta, matatanda, bata, at mga may sakit sa puso o diabetes ay mas delikado kapag naiinitan. Mahalaga raw ang regular na screening para malaman kung may mga nakatagong kondisyon ang katawan.