
Ang bagong viral trend ngayon sa social media ay ang linyang “What hafen vela? Why you crying again?” Mula sa TikTok hanggang Instagram, maraming Pinoy stars tulad nina Kyline Alcantara at Andrea Brillantes ang game na game sa pag-lip sync ng nakakatuwang eksenang ito. Pero saan nga ba talaga ito nagsimula?
Nag-ugat ang trend sa performance ni Cristopher Diwata noong 2013 sa Kalokalike, isang segment ng It’s Showtime. Ginaya niya si Taylor Lautner bilang si Jacob Black ng pelikulang Twilight. Sa kanyang skit, kinausap niya si Bella habang umiiyak ito, at galit na hinarap si Edward Cullen para ipagtanggol si Vella—ay este, Bella! Sa sobrang intense, sinabi pa niya: “I will sure you die, Edward!”
Kahit hindi siya nanalo, naging iconic ang kanyang performance. Maraming netizens ang gumawa ng memes, lyrics, at TikTok videos gamit ang kanyang mga nakakatawang linya. Kaya naman, bumalik ang kilig at tawa sa mga fans ng Twilight at Diwata.
Sobrang lakas ng impact ng trend kaya pati ang Netflix PH ay nakisali. At ang nakakatuwa, inaabangan ngayon ng mga Pinoy fans si Taylor Lautner na sana'y sumali rin sa challenge. Sa ngayon, busy si Diwata sa paggawa ng shoutouts gamit ang pangalan ng mga fans kapalit ni “vela.”
Ang “What hafen vela?” ay hindi lang basta biro—isa na itong bahagi ng Filipino pop culture. Napatunayan na minsan, ang tunay na aliw ay galing sa kulit, puso, at creativity ng mga Pilipino.