Ang isang pulis ng Quezon City at limang iba pa ay nasugatan matapos bumangga ang isang bus sa mga nakahintong UV Express sa loob ng Quezon Avenue Tunnel, Barangay South Triangle, nitong Miyerkules ng umaga, Mayo 14, bandang 5:40 a.m.
Ayon sa QCPD, pumagitna sa alitan ang pulis na nakamotorsiklo matapos magtalo ang mga driver ng UV Express. Habang nasa gitna ng usapan, biglang dumating ang isang bus at inararo ang mga sasakyan. Sa lakas ng bangga, naipit ang pulis sa pagitan ng dalawang UV Express.
Tatlong pasahero ng bus, pati na ang dalawang UV Express driver, ay nasaktan rin. Ayon kay PLt. Sibyl Anne Armada ng QCPD Traffic Sector 4, iniinda pa ng pulis ang sugat sa ibabang bahagi ng katawan.
Kwento ni Jobert Joson, isa sa mga UV Express driver, hindi na niya maalala ang mga sumunod na pangyayari matapos ang impact. “Nagkaalitan lang, pero wala naman akong maalala pagkatapos—na-black out ako,” ani niya.
Paliwanag naman ni Alvin Gimena, ang bus driver, hindi niya raw inaasahang may nakahintong UV Express sa tunnel. “Walang warning, walang ilaw. Kaya nabigla ako,” sabi niya.
Nasa kustodiya na si Gimena at posibleng maharap sa kasong reckless imprudence. Nakahanda naman daw ang bus company na sagutin ang medical expenses ng mga nasaktan.