Ang Land Transportation Office (LTO) sa pamumuno ni Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ay naglabas ng ulat ukol sa pagkakahuli ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa isang babae na sangkot sa pekeng ID scam.
Ang suspek, 29 taong gulang, ay nahuli sa Valenzuela City habang nag-aalok ng pekeng driver’s license at PWD ID sa social media. Ang PWD ID ay karaniwang ginagamit para makakuha ng 20% diskwento sa mga produkto at serbisyo, kaya’t maraming nadadaya.
Nakuha mula sa kanya ang isang cellphone, pekeng PWD ID, at dalawang pekeng driver’s license na may peke ring Official Receipt (OR).
Ang operasyon ay pinagsamang aksyon ng PNP-ACG, Persons with Disability Affairs Office (PDAO), at LTO. Inihahanda na ang mga kaso laban sa suspek.
Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat sa online scam at huwag basta-basta magtiwala sa mga alok na ID sa social media.