Ang mabilis na pagresponde ng Philippine Coast Guard (PCG) ang naging dahilan ng pagkakaligtas ng 11 katao, kabilang ang 6 na bata at isang senior citizen, matapos tumaob ang kanilang bangka sa karagatan ng San Fernando, Romblon noong Huwebes.
Ayon sa Coast Guard Station Romblon, nangyari ang insidente sa dagat ng Barangay España bandang 3:00 ng hapon. Galing umano sila sa panonood ng motorboat race at pauwi na nang biglang mawalan ng balanse ang kanilang bangka, humigit-kumulang 15 metro mula sa pampang.
Nagpapahinga noon ang mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Cajidiocan at CGSS Magdiwang nang mapansin nila ang insidente. Agad silang rumesponde para iligtas ang mga sakay ng bangka.
Lahat ng nasagip ay ligtas at nasa maayos na kondisyon na ngayon. Pinuri rin ang mabilis na aksyon ng mga Coast Guard sa lugar.
Ang insidente ay paalala sa lahat na mag-ingat at magsuot ng life jacket sa tuwing sasakay sa bangka upang maiwasan ang kapahamakan.