Ang isang 35-anyos na lalaki ay naaresto matapos magpanggap na buyer at itakbo ang cellphone ng isang online seller sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City.
Ayon sa ulat ni Police Lt. Col. Roldante Sarmiento, nangyari ang insidente noong May 4. Nakipagkita ang seller sa suspek sa harap ng isang mall sa Quezon City matapos magkasundo sa isang online transaction.
Habang nasa loob ng sasakyan ng suspek, humingi ito ng permiso na tingnan ang cellphone. Pagkakuha niya nito, sinabihan niya ang seller na ibaba muna ang motor. Ngunit paglabas ng seller, tumakas ang suspek sakay ng sasakyan at dala ang cellphone na halaga ay P55,000.
Agad na humingi ng tulong ang seller sa mga pulis. Nahabol ang suspek pero nabangga ang kotse na ayon sa pulisya ay ninakaw din. Dito siya nahuli at ang cellphone ay nabawi.
Napag-alaman na dati na ring nakulong ang lalaki dahil sa carnapping noong 2019. May iba pa umanong nabiktima ng kanyang parehong modus at may dalawang tao na gustong maghain ng kaso laban sa kanya.