Ang isang bus na puno ng mga Buddhist na deboto ay nahulog sa isang bangin sa Sri Lanka nitong Linggo, na nagresulta sa 21 na patay at 24 na sugatan, ayon sa ulat ng transportasyon. Ang aksidente ay nangyari sa Kotmale, isang bahagi ng maburol na rehiyon sa gitna ng bansa.
Ayon sa pulisya, ang bus ay may sakay na halos 70 pasahero, lagpas sa normal na kapasidad nito. Habang binabaybay ang pakurbang daan, nawalan ng kontrol ang driver kaya nahulog ito sa bangin at bumagsak sa isang tea plantation. Sa mga larawan ng aksidente, makikitang sirang-sira ang bus — tanggal ang bubong, gilid, at mga upuan.
Sinabi ni Deputy Transport Minister Prasanna Gunasena na agad dinala sa dalawang ospital ang mga nasugatan. Malaki ang naitulong ng mga residente sa lugar na tumulong agad sa mga biktima bago dumating ang mga awtoridad.
May isa sa mga nakaligtas na nagsabing nasa harap siya ng bus at suwerteng kaunti lang ang tinamong sugat. Aniya, "Pakaliwa ang bus habang nasa liko, tapos biglang nahulog sa bangin."
Ayon sa datos, umaabot sa 3,000 tao kada taon ang namamatay sa mga aksidente sa daan sa Sri Lanka, kaya't isa ito sa mga bansang may pinakadelikadong kalsada sa mundo.