Ang tatlong Chinese na pinaghihinalaang empleyado ng illegal na sugal ay inaresto matapos umanong humingi ng P1 milyon sa kapalit ng pagpapalaya sa mga kaibigan ng biktima na hinuli sa raid ng PAOCC sa mga POGO operations.
Bandang 1:28 ng hapon noong Abril 25, 2025, nagtungo ang biktima sa CIDG-DSOU ng PNP para magsampa ng reklamo. Ipinakilala raw ng mga suspek ang kanilang sarili bilang kinatawan ng PAOCC at nangakong tutulong sa pagpapalaya, kaya nagbigay ng pera ang biktima.
Pero matapos makuha ang pera, hindi tinupad ng mga suspek ang kanilang pangako. Sa halip, nanghingi pa sila ng karagdagang P3.5 milyon at nagbanta na kapag hindi nagbayad, ide-deport, pahirapan, o aarestuhin muli ang mga kaibigan ng biktima.
Dahil sa seryosong banta, nagsagawa ng "Oplan OLEA" ang CIDG-DSOU at PAOCC. Bandang 7:00 ng gabi, hinuli ang tatlong Tsino sa Seaside Boulevard, Paranaque City. Kinilala ang mga suspek na sina Chen Qianqian (29), Duan Bin (36), at Song Xuequan (36). Nakuha sa kanila ang pekeng pera at marked money na may UV powder.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong robbery by extortion (Section 293) sa ilalim ng Revised Penal Code. Ayon sa PAOCC, hindi opisyal na konektado ang mga ito sa kanilang ahensya. Patuloy ang operasyon laban sa mga taong ginagamit ang pangalan ng PAOCC para sa panlilinlang at pananakot.