Ang kabuuang utang ng pamahalaan ng Pilipinas ay umabot sa P16.68 trilyon noong katapusan ng Marso. Mas mataas ito ng P51 bilyon kumpara sa tala noong Pebrero, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Kung hahatiin ito sa 115 milyong Pilipino, kasama ang mga bata at matanda, aabot sa humigit-kumulang P145,078 ang utang ng bawat isa. Mas mataas pa ito sa 6 na buwang sahod ng isang minimum wage earner sa NCR.
Mula Enero hanggang Marso, gumastos ang gobyerno ng P342 bilyon para sa pagbabayad ng utang. Sa halagang ito, P101.022 bilyon ang napunta sa amortization habang P241 bilyon naman ang binayad sa interest.
Kahit mukhang maliit ang pagtaas ng utang mula Pebrero, malaking bahagi nito ay dulot ng paglakas ng piso laban sa dolyar. Dahil dito, bumaba ang halaga ng ilang foreign debt. Bukod pa rito, nabawasan din ang utang dahil sa pagbabayad ng P95.1 bilyong utang sa ibang bansa noong Marso.