
Ang malagim na banggaan sa SCTEX Toll Plaza (northbound) nitong Huwebes ng hapon, Mayo 1, ay nagresulta sa 12 patay, ayon sa ulat. Ayon sa Philippine Red Cross, apat na sasakyan ang sangkot: isang kotse, van, trak na 18-wheeler, at bus.
Ayon kay Marvin Guiang, hepe ng Tarlac PDRRMO, anim sa mga nasawi ay bata at anim ay matanda. Sa Nissan Urvan, nakaligtas ang driver, habang sa kotse ay isang bata lang ang nakaligtas. Ang mga sakay ng bus ay nagtamo lamang ng minor injuries.
Sinabi ni Guiang na ang mga sasakyan ay nakapila malapit sa toll plaza nang dumating ang bus na posibleng mabilis ang takbo. Tinulak nito ang van at kotse kaya sila ay naipit sa gitna.
Ang bus driver ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya. Ayon sa Red Cross, 28 iba pa ang nasugatan at agad na dinala sa Tarlac Provincial Hospital para sa gamutan.
Nagpadala ng ambulansya ang PRC Tarlac Chapter upang tumulong sa mga nasugatan at sa pagsagip ng mga biktima.