Ang isang truck na may sakay na helicopter ay naging dahilan ng matinding trapik sa EDSA-Balintawak noong Linggo, April 27, 2025, bandang alas-4 ng madaling araw. Nasa tapat ito ng overpass nang huminto dahil sasabit ang helicopter kung pipilitin nilang dumaan.
Kuwento ni Bayan Patroller Ruben Leaño, kasama niya ang asawa niya papunta sa Balintawak Market pero naipit na rin sila sa traffic. Nakaposte rin siya ng video sa kanyang Facebook page na Kaventot TV, kung saan kita ang pag-responde ng MMDA para tumulong.
Ayon pa kay Leaño, halos isang oras bago gumaan ang trapik. "Buti na lang Sunday kaya hindi gano’n ka-grabe," dagdag pa niya. Makikita rin sa video na pinapa-atras ng MMDA ang truck para makaiwas sa overpass.
Base sa MMDA Eagle Base sa Timog Avenue, naligaw ang truck at imbes na sa Subic, napadpad ito sa EDSA. Agad rumesponde ang MMDA para i-guide ang truck paatras at ipaikot ito sa A. Bonifacio Avenue papuntang North Luzon Expressway (NLEX).
Sa kabutihang palad, naresolba agad ang sitwasyon at naibalik sa normal ang daloy ng trapiko. Pero dahil sa kakaibang eksena, maraming netizens ang nag-post ng pictures at videos online.