
Ang rubber gate ng Bustos Dam sa Bulacan ay nasira nitong Mayo 1, bandang 2:30 ng hapon. Ayon sa Mayor ng Bustos na si Francis Albert Juan, agad siyang nagbigay ng babala sa mga residente sa tabing-ilog para mag-evacuate o lumipat sa mas mataas na lugar. Kabilang sa mga binigyang-babala ang mga nakatira sa Tanawan, San Pedro, Poblacion, Talampas, at Cambaog.
Ayon sa PDRRMO, ang Gate 3 ng dam ang nasira dahil sa matinding init. Bagama’t may pag-agos ng tubig, ito ay hindi dapat ikabahala. Ang gate ay maliit lang—5 metro ang lapad kumpara sa 25-30 metro ng Angat River. Bumaba lang ng 2.38 metro ang lebel ng tubig, kaya walang malaking epekto sa mga bayan sa paligid.
Paliwanag pa ng PDRRMO, kahit may agos ng tubig, ang ilog ay nasa Yellow Level o mababang lebel ng tubig. Ang epekto sa Angat River ay 5cm na dagdag-agos lang, kaya walang banta ng baha sa mga lugar mula Bustos hanggang Calumpit. Pinayuhan ang publiko na iwasan ang paliligo o anumang aktibidad sa ilog sa ngayon para sa kaligtasan.