
Ang P101 milyong halaga ng high-grade marijuana o kush ang nadiskubre sa loob ng 5 balikbayan box sa Manila International Container Port (MICP) sa Tondo, Manila noong Martes, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Galing ang kush sa Thailand at nakalagay sa 138 plastic bag ang tinatayang 72,000 gramo ng tuyong dahon ng marijuana. Ang mga box ay natagpuan sa isang abandonadong container sa loob ng MICP.
Hawak na ngayon ng PDEA ang mga ilegal na droga. Iniimbestigahan na rin kung sino ang nagpadala at dapat tumanggap ng mga ito.
Ayon sa PDEA, ang sinumang sangkot ay posibleng makulong habambuhay at magbayad ng multang aabot sa P10 milyon, alinsunod sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang operasyon ay patunay na patuloy ang laban ng mga otoridad laban sa ilegal na droga sa bansa.