
Ang pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay naglabas ng bagong patakaran: hindi na pwedeng hawakan ng security personnel ang passport ng mga pasahero habang papasok sa terminal o dumadaan sa security check.
Ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC), kailangan lang ipakita ng pasahero ang kanilang valid ID o travel document sa pamamagitan ng pagtaas o paghawak nito mismo — hindi na kailangang iabot sa security.
Ang bagong rule ay kasunod ng isang viral post kung saan isang matandang lalaki na papunta sana sa Bali, Indonesia ang hindi pinasakay dahil may punit daw ang passport. Ayon sa NNIC, ito ay nangyari sa airline check-in counter at walang kinalaman ang NAIA security sa insidente.
Nagpaabot din ang NNIC na nakikipag-coordinate sila sa airlines, Department of Transportation (DOTr), at sa Bureau of Immigration (BI) para mas lalong higpitan ang procedures at maiwasan ang ganitong problema sa future.