
Isinagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Huwebes ang roadworthiness inspection ng mga jeepney sa isang Motor Vehicle Inspection Center sa Sta. Cruz, Manila. Layunin ng inspeksyon na tiyakin na ligtas at maayos ang mga pampasaherong sasakyan bago tuluyang ipatupad ang mga regulasyon sa buong bansa.
Ayon kay LTFRB chairman Vigor Mendoza, sakop ng inspeksyon ang isang komprehensibo at automated na proseso kabilang ang visual inspection, side slip test, suspension test, brake test, emission test, sound test, at headlight assessment. Sinuri rin ang parehong under-chassis at above-chassis components, na may kabuuang 57 inspection items bawat sasakyan.
Binigyang-diin ni Mendoza na ang layunin ng programa ay mapabuti ang serbisyo sa publiko. "Pinapakita natin sa mga stakeholders para malaman kung ano pa ang dapat ayusin bago natin ipatupad nationwide. May pagkakataon ang mga jeepney operators na ayusin ang kanilang sasakyan kung sakaling bumagsak sa inspeksyon," aniya.
Suportado naman ng Manibela President Mar Valbuena ang hakbangin at sinabi na halos 95 porsyento ng kanilang mga jeepney ay nasa maayos at roadworthy na kondisyon. "Kapag hindi na roadworthy ang sasakyan, kahit anong uri pa ng transportasyon, dapat itigil na ang operasyon at prangkisa," dagdag niya.
Inihayag ng LTFRB na plano rin nilang magsagawa ng inspeksyon sa mga bus sa susunod na linggo upang mapanatili ang kaligtasan at kalidad ng pampublikong transportasyon sa bansa.




