
Ang Manila City Government ay nag-ulat ng ilang kaso ng vandalism sa Padre Burgos Street matapos ang rally noong November 30. Kinondena ni Mayor Isko Moreno ang nakita sa mga pader at istruktura, karamihan ay gawa sa spray paint.
Ayon kay Moreno, ang pera para sa serbisyo publiko ay napupunta na naman sa paglilinis ng mga vandalized na lugar. Idiniin din niya na malaya ang magpahayag, pero hindi dapat binababoy ang lungsod. Nakapagtataka raw na nagrereklamo ang ilan tungkol sa maling paggamit ng pondo pero sila rin ang nagdudulot ng dagdag gastos.
Sa umaga ng December 1, agad na ni-repaint at inayos ng Department of Engineering and Public Works ang mga nasirang pader. Hindi ito ang unang beses; nagkaroon din ng vandalism sa Recto, Taft Avenue, at Lawton matapos ang rally noong September 21.
Samantala, nilinaw ng Manila Police District (MPD) na walang inaresto matapos lapitan ang tatlong lalaking naka-balaclava sa Kalaw Avenue. Napag-alamang sila ay freelance journalists, at pinayagan makaalis matapos ma-verify ang kanilang pagkakakilanlan. Pinapaalalahanan ng MPD ang publiko tungkol sa Anti-Balaclava Ordinance ng lungsod.
Idineklara rin ng MPD na “generally peaceful” ang mga protesta. Nasa 12,000 pulis ang nagbantay sa Maynila upang matiyak ang kaayusan. Nagpasalamat sila sa mga nagprotesta at publiko dahil nanatiling mahinahon at organisado ang aktibidad.




