
Ang Bureau of Customs (BOC) ay nag-anunsyo na ang 4 natitirang luxury cars ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ay muling isusubasta sa December 5. Bunga ito ng kanilang pagkakasangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Sinabi ni BOC Deputy Chief of Staff Chris Noel Bendijo na maaaring makalikom ng hanggang P50 milyon mula sa bentahan, na diretso namang ilalagay sa national treasury. May public viewing ng mga sasakyan mula Dec. 2 hanggang Dec. 3.
Ibinaba ng BOC ang floor price ng mga sasakyan: ang Toyota Tundra ay nasa P3.4 milyon, ang Toyota Sequoia nasa P4.6 milyon, ang Rolls Royce mula P45M ay P36M na lang, at ang Bentley Bentayga ay nasa P13 milyon. Sa unang subasta, tatlong sasakyan na ang kumita ng P38 milyon.
Kapag nabigo pa rin ang pangalawang subasta, sinabi ng BOC na papasok sila sa direct offer, kung saan tatanggap sila ng alok mula sa mga interesadong bibili base sa valuation ng mga nakakumpiskang sasakyan. Ayon kay Bendijo, ang hakbang na ito ay mensahe ng “restitution” at pagpapatupad ng batas.




