
Ang cast ng Reply 1988 ay muling nagtipon para sa 10th anniversary special ng hit K-drama. Inilabas ng tvN ang opisyal na poster habang nag-share ang Channel Fullmoon sa YouTube ng teaser para sa special na may tatlong episodes.
Magkakasama rito ang limang lead stars — Lee Hye-ri, Park Bo-gum, Go Kyung-pyo, Ryu Jun-yeol, at Lee Dong-hwi — kasama ang mga artistang gumanap sa kanilang pamilya tulad nina Sung Dong-il, Ra Mi-ran, Kim Sung-kyun, at iba pa. Susundan ng special ang kanilang two-day, one-night trip bilang pagdiriwang ng anibersaryo ng show.
Hindi nakasama si Ryu Jun-yeol sa mismong trip dahil sa schedule conflicts, pero nag-shoot siya ng hiwalay na scenes para makilahok pa rin sa special, ayon sa ulat ng Korea Times.
Nakatakdang ipalabas ang unang episode ng Reply 1988 Anniversary Special ngayong December 19. Ang serye, na nakabase sa 1980s Korea, ay tungkol sa limang magkaibigang lumaki sa iisang komunidad. Ito ang ikatlong installment ng franchise na kasama ang Reply 1997 at Reply 1994.
Nag-record ang Reply 1988 ng 19.6% finale rating, ang pinakamataas noon para sa cable TV. Patuloy din itong sumikat sa buong mundo dahil sa streaming platforms tulad ng Netflix, at kinilala pa ng BBC bilang isa sa nagpasiklab ng K-drama boom overseas.




