
Ang matinding sunog ang tumupok sa ilang residential blocks sa Tai Po, Hong Kong, na nagresulta sa apat na patay at ilang sugatan, ayon sa pahayag ng pamahalaan nitong Miyerkules.
Malalakas na apoy ang mabilis na kumalat sa bamboo scaffolding ng hindi bababa sa tatlong gusali sa Wang Fuk Court, bago pa umabot sa iba pang bahagi ng mga apartment. Ayon sa ulat, may ilang residente umanong na-trap sa loob habang tumataas ang apoy.
Kumpirmado ng Hong Kong government na apat ang nasawi, kabilang ang isang bumbero. Dalawa ang nasa critical condition, habang isa naman ang nasa stable condition. May lalaki at babaeng dinala sa ospital na severe ang burns.
Makapal na usok ang nakita mula sa scaffolding ng mga gusali, habang idineklara ng awtoridad ang four-alarm fire, ang pangalawang pinakamataas na antas. Dahil dito, isinara ang ilang bahagi ng kalapit na highway.
Pinayuhan ng Fire Services Department ang mga residente na manatili sa loob ng bahay, isara ang mga bintana, at iwasang tumungo sa lugar ng insidente. Noong nakaraang buwan, apat rin ang nasugatan sa hiwalay na sunog sa scaffolding sa central business district ng Hong Kong.




