
Ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay nagsabing mas mababa sa target ang paglago ng ekonomiya ngayong taon, pero inaasahang babalik ang sigla sa 2026 at papasok muli sa target pagsapit ng 2027.
Tinalakay nina Pangulong Marcos at BSP Governor Eli Remolona sa Malacañang ang ekonomiya ng Pilipinas at kasalukuyang patakaran sa pera. Ayon sa PCO, nananatiling tutok ang Pangulo sa matatag na ekonomiya at malawak na paglago para sa mga Pilipino.
Sinabi ng BSP na kahit mahina ang performance ng 2025, may malinaw na senyales na babalik ang pag-usad ng ekonomiya sa mga susunod na taon. Nagtakda ang economic team ng 5.5–6.5% growth para ngayong taon at 6–7% para sa 2026.
Ang GDP ng bansa ay lumago lamang ng 4% sa third quarter dahil sa mabagal na gastos ng gobyerno at epekto ng mga nagdaang bagyo. Ayon sa BSP, bumabagal ang domestic demand, at posibleng bahagyang hindi maabot ang growth targets sa 2025 at 2026 bago makabalik sa target sa 2027.
Gayunman, nananatiling positive ang pananaw ng economic planners, na binibigyang-diin ang mababang inflation, kontroladong utang, matatag na piso, at stable na banking sector. Inaasahang 3.1% ang inflation sa 2026 at 2.8% sa 2027.




