
Ang 2025-2026 Japan Car of the Year (JCOTY) ay naglabas ng Top 10 finalists, at nakakagulat na halos 40% ng listahan ay mula sa non-Japanese brands. Mula sa 35 sasakyang puwedeng piliin, 60 jurors mula sa media sa Japan ang pumili ng sampu na lalaban para sa pinaka-prestihiyosong award.
Sa sampung finalists, anim lang ang galing sa Japanese brands tulad ng Suzuki, Subaru, Daihatsu, Toyota, Nissan, at Honda. Ang apat naman ay mula sa BMW, Hyundai, Peugeot, at Volkswagen.
Kabilang sa pinaka-pinag-uusapan ang all-new Subaru Forester. Ang bagong modelo ay gamit ang mas matibay na Subaru Global Platform, may full inner frame construction, at may mas malawak na structural adhesives. May full hybrid system ito na may 197 hp, ang pinakamataas mula nang mawala ang turbo model. Kaya nitong umabot hanggang 1,000 km sa isang full tank at hindi sakripisyo ang all-wheel drive.
Isa ring mahalagang entry ang pagbabalik ng Honda Prelude, na darating sa Pilipinas pagsapit ng 2026. Ang sports coupe ay gamit ang chassis hardware ng Civic Type R, kaya mabilis, responsive, at komportable gamitin. May e:HEV 2.0-liter hybrid engine ito na may 200 hp at 315 Nm torque, kasama ang bago nilang S+ Shift system para sa simulated gearshifts.
Kasama rin sa Top 10 ang Suzuki e-Vitara, Daihatsu Move, Toyota Crown Estate, Nissan Leaf, BMW 2 Series Gran Coupe, Hyundai Inster, Peugeot 3008, at Volkswagen ID.Buzz. Ang winner para sa Japan Car of the Year 2025-2026 ay iaanunsyo sa December 4.




