
Ang mga rescuer sa Indonesia ay nakikipag-unahan sa oras upang mailigtas ang humigit-kumulang 60 kabataang estudyante na na-trap sa gumuhong Islamic boarding school sa Sidoarjo, East Java.
Ayon sa Disaster Mitigation Agency, bumigay ang pundasyon ng Al Khoziny School habang may ginagawang konstruksyon sa itaas na palapag. Sa gitna ng pagdarasal, gumuho ang gusali at nadaganan ang mga estudyante.
Batay sa tala ng paaralan at ulat ng mga pamilya, nasa 59 pa ang hindi pa natatagpuan. Gumamit ang mga rescuer ng motion detector at scanner upang subukang makita kung may mga senyales ng buhay, ngunit wala silang natagpuan nitong Huwebes.
Hanggang Miyerkules ng gabi, umabot na sa anim ang bilang ng nasawi, ayon sa Operations Director ng ahensya. Ngunit iniulat ng disaster mitigation agency na limang katao ang kumpirmadong namatay. "Hindi kami susuko. Baka may pag-asa pa para sa mga kapatid nating maliliit," ayon kay Yudhi Bramantyo.
Samantala, nananatiling naghihintay ang mga magulang sa paligid ng paaralan. Isa na rito si Ahmad Ikhsan, 52, na patuloy na umaasa na buhay pa ang kanyang anak na si Arif Affandi, 14. "Hanggang ngayon wala pa akong balita sa anak ko. Naniniwala akong buhay pa siya," aniya.