Ang isang construction worker mula Tondo, Maynila ay nasawi matapos tamaan ng bala sa leeg sa protesta laban sa korapsyon noong Setyembre 21 sa Mendiola.
Ayon kay forensic pathologist Raquel Fortun, nakalagay sa medical certificate na si Eric Saber, 35 taong gulang, ay namatay dahil sa perforating gunshot wound sa leeg na nagdulot din ng pinsala sa spinal cord.
Sinabi ng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) na si Saber ay nabaril ng pulis sa gitna ng marahas na dispersal ng mga nagpoprotesta. Ngunit giit ng pulisya, wala umanong pamamaril na naganap.
Ayon kay Brig. Gen. Randulf Tuaño, may isang naitalang patay sa insidente—isang 15-anyos na estudyante na sinaksak at hindi nabaril. “Walang shooting na konektado sa protesta,” dagdag niya.
Nanindigan ang KMU na ipaglalaban nila ang hustisya para kay Saber na inilibing na kahapon sa Manila North Cemetery.