
Ang “Supremo ng Primetime” na si Daniel Padilla ay nagsimula ng Oktubre sa malaking tagumpay matapos siyang hirangin bilang Outstanding Asian Star sa 2025 Seoul International Drama Awards. Kinilala siya dahil sa mahusay na pagganap sa Kapamilya action series na Incognito.
Sa awarding ceremony sa Seoul, nagpasalamat si Daniel sa lahat ng naging bahagi ng kanyang tagumpay. Una niyang binanggit ang kanyang Incognito family, mga direktor, co-stars, at kanyang home network. Ipinahayag din niya ang pasasalamat sa Star Magic at sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanya.
Naging emosyonal si Daniel nang banggitin ang kanyang pamilya, kaibigan, at lalo na ang kanyang ina na si Karla Estrada. Aniya, “Mama, I made it. At sa lahat ng fans, kayo ang dahilan kung bakit ako nandito. Maraming salamat.”

Kasama ni Daniel sa mga pinarangalan ang iba pang sikat na Asian stars mula sa iba’t ibang bansa. Ang parangal ay ibinibigay batay sa global fan voting, kaya malaking bagay ang suporta ng kanyang mga tagahanga sa buong mundo.
Sa Incognito, ginampanan ni Daniel ang karakter na si Andres Malvar, dating scout ranger na naging covert operative. Ang serye ay umiikot sa laban kontra human trafficking at sa personal na misyon ni Malvar na hanapin ang kanyang nawawalang kapatid.