
Ang totoo, matagal ko nang gustong ilabas itong nararamdaman ko. 37 anyos na ako, at isang solo mother ng aking 3 anak. Anim na taon nang hindi kasama ng pamilya ang kanilang ama dahil sumama ito sa iba. Simula noon, mag-isa kong tinaguyod ang mga anak ko, at halos nawala na ako ng gana sa buhay. Dumaan ako sa matinding depression, at halos hindi na rin ako sumisimba noon.
Noong nakaraang taon, dumating sa buhay ko ang isang 30 anyos na binata. Siya ang unang naging karelasyon ko matapos ang hiwalayan namin ng dati kong asawa. Mabait siya, marespeto, at masasabi kong green flag man. Isa siyang taong nakatulong sa akin na muling mapalapit sa Diyos. Sa totoo lang, dahil sa kanya, muli kong naramdaman ang pagmamahal at ang halaga ko bilang babae.
Pero lately, hindi ko mapigilang mag-isip nang sobra. Lagi akong kinakabahan at naiiyak kasi natatakot akong iwanan niya rin ako, gaya ng ginawa ng dati kong asawa. Naiisip ko, baka isang araw sabihin niya, “Akala ko mahal kita, akala ko tanggap ko rin ang mga anak mo, pero nagkamali pala ako.” Ang sakit isipin na baka dumating ang oras na iyon. Para bang nasa k-drama lang ang buhay ko at hindi naman lahat may happy ending.
Madalas kong itanong sa sarili ko: mali ba akong muling umibig at umasa na may taong mananatili sa tabi ko at tatanggapin hindi lang ako, kundi pati ang mga anak ko? Noon, ang taong nangako ng habang-buhay na pagmamahal sa akin, iniwan ako. Kaya ngayon, natatakot ako kung kaya ba talaga ng bagong nobyo ko na panindigan ang relasyon namin. Totoo ba na kaya niyang mahalin ang isang babaeng may tatlong anak, o baka ako lang ang mahal niya at hindi niya kayang tanggapin ang mga bata?
Sa lahat ng mga babae o lalaki na nakarelasyon ng isang single mom o single dad, gusto ko sanang malaman: totoo ba ang pagtanggap niyo sa mga anak ng partner ninyo? O minsan, sinasabi niyo lang iyon para manatili ang relasyon hanggang sa mapagod kayo at humanap ng iba?
Pasensya na, alam kong ako’y isang overthinker. Pero ayoko nang sirain pa ang sarili kong kaligayahan dahil sa takot. Gusto ko lang maging masaya at mahalin nang totoo. At higit sa lahat, nararapat din ang mga anak ko na maranasan kung paano ang magkaroon ng isang pamilya na buo at puno ng pagmamahal.