
Ang Meralco ay nagbaba ng singil sa kuryente ngayong Setyembre ng P0.1852 kada kilowatt-hour (kWh). Mula sa P13.2703, bumaba ang kabuuang singil sa P13.0851 kada kWh. Para sa pamilyang gumagamit ng 200 kWh, katumbas ito ng tipid na humigit-kumulang P37 sa kanilang bill.
Ayon kay Meralco spokesman Joe Zaldarriaga, ang pagbaba ng generation charge o gastos sa kuryente mula sa mga supplier ang nagdala ng bawas-singil ngayong buwan. Bumaba ng P0.2603 kada kWh ang generation rate dahil sa mas mababang singil mula sa Power Supply Agreements (PSAs) at Independent Power Producers (IPPs).
Bagama’t tumaas ang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil sa mas mataas na demand at plant shutdowns, hindi nito napantayan ang kabuuang pagbaba ng singil. Aniya, “Umaasa kami na kahit papaano ay makapagbibigay ng ginhawa sa mga customer ang bawas-singil na ito.”
Batay sa datos, 65% ng kuryente ay galing sa PSAs, 29% sa IPPs, at anim na porsyento naman mula sa WESM. Samantala, bahagyang tumaas ng P0.113 kada kWh ang transmission charge dahil sa dagdag-gastos sa ancillary services.
Gayunpaman, bumaba ang ibang singil gaya ng buwis at iba pang charges ng P0.0379 kada kWh. Dahil dito, nakabawas pa rin ng kabuuang halaga sa bayarin ang mga consumer ngayong buwan.