
Ang totoo, napapagod na ako sa relasyon namin. Ako’y 23 years old at siya naman ay 24. Isang taon na kaming magkasama bilang mag-jowa, pero dalawang taon na rin kaming magkakilala. Simula pa lang, ramdam ko na na ako ang laging nagbibigay, at siya naman ang laging tumatanggap. Oo, nagbibigay ako dahil mahal ko siya, pero tao rin ako—may mga bagay din akong gustong matanggap kahit simpleng effort lang.
Noong estudyante pa siya, inintindi ko na wala siyang maibigay na material na bagay. Hindi ko naman kailangan ng mamahalin, hindi regalo ang hanap ko—effort lang. Gumawa ako ng mga sulat-kamay na letters, inabot ko sa kanya para ipakita na iniisip ko siya. Oo, tinatago niya iyon, pero kahit minsan, wala man lang siyang sinukli na sulat para sa akin. Hanggang sa dahan-dahan akong tumigil kasi napagod na ako sa paghihintay. Isang beses nga, sinabi ko na kahit isang letter lang mula sa kanya, magiging masaya na ako. Pero kahit ganoon kasimple, wala pa rin.
Naisip ko, baka naman kaya niya akong pasayahin sa ibang paraan. Kaya hiningi ko kahit isang bulaklak lang. Alam ko namang paborito ko ang sunflower, pero palagi niyang sagot, “sa susunod na” o “wala dito, bumili ka na lang.” Ang sakit kasi parang ako pa ang nagmakaawa para sa isang maliit na bagay. Hindi ko naman gusto ng bouquet o mamahaling regalo, kahit isang bulaklak lang na nadaanan niya sa daan, masaya na sana ako. Pero niyon man, hindi niya nagawa.
Dagdag pa rito, long-distance relationship kami. Dahil doon, mas gusto ko na nagpapakita siya ng effort. Miss ko siya, miss din daw niya ako, pero tuwing dumadalaw siya, ako ang gumagastos. Pati dates namin, ako rin ang nagbabayad. Kapag naman nanghihiram siya ng pera, palagi niyang pangako, “ibabalik ko lahat, promise.” Kung manghiram siya ng ₱2,000, kalahati lang ang naibabalik—₱1,000 lang. Sa una, hindi ko pinapansin, iniisip ko baka wala lang talaga siya. Pero habang tumatagal, parang nararamdaman kong ako na ang “lalaki” sa relasyon namin. Ako na ang provider, ako na ang nag-a-adjust, ako na ang laging nagbibigay, habang siya… wala.
Ngayon, naiisip ko kung mali ba ako na umaasa ng mas marami mula sa kanya. Naiintindihan ko na wala pa siyang masyadong kaya, pero hanggang kailan ako maghihintay para maramdaman na ako rin ay importante sa kanya? Hanggang kailan ako magiging kuntento sa pagbibigay, kung ang balik sa akin ay kalahati lang—hindi lang sa pera, kundi pati sa effort at pagmamahal?