
Ang dating NCRPO chief na si Lt. Gen. Jonnel Estomo at 11 iba pang pulis ay isinangkot ni Julie “Dondon” Patidongan, kilala bilang “Totoy,” sa umano’y pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero. Sa pagharap niya sa National Police Commission (NAPOLCOM), sinabi ni Patidongan na nalaman niya mula kay Atong Ang na plano raw siyang ipapatay ni Estomo dahil sa mga alam niyang sikreto.
Ayon kay Patidongan, napilitan siyang magsalita nang madamay na ang kanyang pamilya sa banta ng kamatayan. Emosyonal siyang nagsalita sa harap ng NAPOLCOM at sa mga pamilya ng mga nawawala, kasabay ng press conference sa UP Diliman.
Ilan sa mga pinangalanan ni Patidongan ay sina PCol. Jacinto Malinao Jr., PLtCol. Ryan Jay Orapa, PMaj. Mark Philip Almedilla, at iba pang pulis mula sa Highway Patrol Group at Cavite HPG. Ayon sa kanya, ang mga ito raw ang kumukuha sa mga sabungero, pumapatay, at itinatapon ang mga bangkay sa Taal Lake sa Batangas. Kasama rin sa kanyang pagdidiin si dating Talisay Vice Mayor Charlie Natanauan, na umano’y tumatanggap ng mga papatayin at nagdedesisyon kung paano ito gagawin.
Isinama rin niya sa listahan si PCSO chairman at dating judge Felix Reyes, na umano’y nag-aayos ng kaso sa korte para sa grupo ni Atong Ang. Sinabi naman ni NAPOLCOM Chairperson Rafael Vicente Calinisan na ang mga aktibong pulis ay maaaring kasuhan ng administratibo, habang ang mga retirado ay kakasuhan ng kriminal.
May natanggap ding viber message mula sa mga aktibong pulis na idinawit ni Patidongan. Ayon sa kanila, nagulat sila sa akusasyon ni “Totoy” at tinawag itong walang basehan. Dagdag ni Calinisan, iimbestigahan ang mga affidavit at titiyakin ang due process para sa patas na resulta sa loob ng 60 araw.