Ang isang babaeng Chinese na kinilalang si Wang Xiujun, 43-anyos, ay naaresto sa NAIA Terminal 3 noong Hulyo 13. Siya ay gumagamit ng pekeng pangalan na "Cassia Palma Poliquit", katulad ng umano’y ginawa ni dating Bamban Mayor Alice Guo. Ayon sa Bureau of Immigration (BI), siya ay dumating mula Kuala Lumpur sakay ng Air Asia at agad dinakip ng mga tauhan ng Border Control and Intelligence Unit (BCIU).
Inutusan ni BI Commissioner Atty. Joel Anthony Viado ang paghuli kay Wang matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa kahina-hinalang pagkakakilanlan nito. Fingerprint records ng NBI ang nagkumpirma na si Wang at Poliquit ay iisang tao, batay sa kanilang dactyloscopy cross-examination.
Si Wang ay tinaguriang “Ala Alice Guo” ng Metro dahil sa paggamit ng mapanlinlang na Filipino identity habang sangkot sa negosyo ng pagbebenta ng de-kuryenteng sasakyan sa Metro Manila. Lumabas rin na may Philippine passport at birth certificate si Wang, na nakuha sa late registration kahit isa siyang Chinese national na may investor’s visa.
Ayon kay Viado, mahigpit ang pagtutulungan ng BI at NBI upang habulin ang mga dayuhang gumagamit ng peke at iligal na dokumento sa bansa. Patuloy ang utos ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na hanapin at i-deport ang mga dayuhang lumalabag sa immigration laws ng Pilipinas.