
Ang driver ng bus na nakabangga sa isang tindera sa Commonwealth Avenue, Quezon City ay sinuspinde na ng Department of Transportation (DOTr) sa loob ng 90 araw. Ang aksidente ay nangyari noong Linggo ng hapon kung saan nahatak ang biktima ng humigit-kumulang apat na metro.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, maglalabas din sila ng show-cause order para sa operator ng bus. Ang ginang na 53-anyos ay agad dinala sa ospital ngunit binawian ng buhay dahil sa matinding pinsala sa katawan.
Base sa paunang imbestigasyon, nawalan daw ng preno ang bus kaya ito umatras ng walang kontrol. Tumama ito sa isang SUV at motorsiklo bago mabangga ang biktima.
Pero ayon sa ilang nakasaksi, mabilis at pabulusok ang pag-atras ng bus kaya nagtakbuhan ang mga tao papalayo sa lugar.
Ang driver ay nasa kustodiya na ng QCPD Traffic Sector 5 at maaaring sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at multiple damage to property.