Ang pamilya ng taxi driver na pinaslang sa loob ng kanyang sasakyan sa Barangay Mactan, Lapu-Lapu City ay nananawagan ng hustisya. Nakilala ang biktima na si Johnny Burdas, 47 taong gulang, residente ng Barangay Bankal. Natagpuan siyang wala nang buhay na may tama ng bala sa dibdib, habang umaandar pa ang makina ng taxi noong Miyerkules ng madaling araw, Hulyo 2.
Ayon sa pulisya, may mga residente na nakarinig ng tatlong putok ng baril bandang ala-una ng umaga. Napansin nila ang butas ng bala sa bintana ng driver kaya agad nilang inireport sa mga otoridad. Pagdating ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nakita ang dalawang basyo ng bala sa tabi ng sasakyan.
Sa kuha ng CCTV mula sa kalapit na establisyemento, nakita ang taxi ni Burdas na huminto at naghazard lights bago pumasok sa bakanteng lote kung saan siya natagpuan patay. Ayon kay Sara, asawa ng biktima, huli niyang narinig na tumunog ang cellphone ni Johnny dahil may booking notification mula sa Maxim app. Hindi niya alam na tumanggap ito ng booking at umalis nang hindi nagpapaalam.
Wala raw alam ang pamilya kung may nakaalitan si Johnny. Pinaniniwalaan nilang posibleng ninakawan ito dahil nawawala ang cellphone at wallet niya. Ang anak niyang si Kyra, sinabi na huli nilang usap ng ama ay nang yayain siya nitong kumain bandang alas-diyes ng gabi.
Humihiling ngayon ang pamilya ni Johnny ng hustisya at nananawagan sa salarin na sumuko sa pulisya. Ayon kay Police Lt. Col. Christian Torres, tuloy ang imbestigasyon at pag-review ng CCTV para matukoy ang responsable sa krimen.