
Ang isang Chinese at kanyang kasabwat na Pilipino ay nahuli matapos ang buy-bust operation ng PNP-Drug Enforcement Group sa Barangay Bulihan, Plaridel, Bulacan, Sabado ng gabi. Ayon kay Police Brigadier General Edwin Quilates, nakuha mula sa kanila ang higit 100 kilo ng shabu na tinatayang P700 milyon ang halaga. Ang mga droga ay nakabalot sa packaging tape at itinago sa isang inuupahang bahay.
Matagal na sinubaybayan ng pulisya ang kilos ng mga suspek. Sabi ni Quilates, isang buwan silang nag-surveillance bago magsagawa ng operasyon. Napag-alaman na ang bahay sa subdivision ay ginagamit lang bilang imbakan ng ilegal na droga. Ayon sa security guard, dalawang beses lang sa isang linggo kung pumunta ang mga suspek at agad din umaalis.
Para hindi mabuko, nagkunwaring tindero ng gulay at isda ang Chinese sa ibang lugar sa Plaridel. May Filipina partner ito at sampung taon na silang magkasama. May anak din sila, at ginagamit nilang prontahan ang tindahan ng gulay at seafoods sa Guiguinto.
Itinanggi ng mga suspek na sila ay sangkot sa pagbebenta ng droga. Nakakulong na sila sa PDEG headquarters sa Camp Crame at sasampahan ng kaso sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.