
Ang bilang ng mga Pilipinong nakaranas ng involuntary hunger o gutom kahit ayaw nila, ay tumaas sa 20% nitong Abril 2025, ayon sa bagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas noong Hunyo 28. Bahagyang tumaas ito mula sa 19.1% na naitala noong April 11–15, matapos bumaba mula sa 27.2% noong Marso.
Mindanao ang may pinakamataas na hunger rate na umabot sa 26.3%, sinundan ng Metro Manila (20.3%), Visayas (19.7%), at Balance Luzon (17%). Bumaba ang gutom sa Metro Manila at Balance Luzon, pero tumaas sa Visayas at Mindanao. Sa Mindanao, umakyat ang severe hunger mula 3.7% patungong 5%.
Sa kabuuang 20% na hunger rate, 16.4% ang nakaranas ng moderate hunger o madalang na kakulangan sa pagkain, habang 3.6% ang nakaranas ng severe hunger o matinding gutom.
Higit na apektado ang mga pamilyang itinuturing na mahirap. Noong Abril, 50% ang nagsabing sila ay mahirap, 8% borderline, at 42% hindi mahirap. Tumaas ang gutom sa mahihirap mula 24.4% tungong 25.9%, habang sa hindi mahirap ay bahagyang umakyat mula 13.4% hanggang 14.1%.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 adults sa buong bansa. May ±3% margin of error ang resulta para sa national percentages.