Ang 28-anyos na estudyanteng si Bhoomi Chauhan mula Bristol, England ay ligtas sa isang trahedya matapos ma-late ng 10 minuto sa kanyang flight. Ayon kay Bhoomi, matinding trapik sa Ankleshwar–Ahmedabad route ang naging dahilan kaya hindi siya umabot sa boarding time ng Air India Flight AI171.
Kahit tapos na siyang mag online check-in, hindi siya pinayagan ng staff ng airline na makasakay. “I was only 10 minutes late. I begged them to let me in, but they still refused,” ayon kay Bhoomi. Dahil dito, napilitan siyang maghintay sa labas ng airport kasama ang kanyang travel agent habang iniisip kung paano mare-refund ang ticket.
Habang umiinom ng tsaa sa labas, nakatanggap si Bhoomi ng tawag mula sa airline. Bumagsak ang eroplano na dapat sana’y sinakyan niya. Napuno siya ng shock at pasasalamat sa kanyang buhay. “This is totally a miracle for me,” sabi niya.
Nag-viral agad ang kwento ni Bhoomi online. Maraming netizens ang nagsabing ito ay "blessing in disguise". May mga nagsabi pa ng, “Delay is a form of blessing,” at “Mababayaran ang ticket, pero ang buhay ay hindi.”
Ang Air India Flight AI171, isang Boeing 787-8 Dreamliner, ay bumagsak noong Hunyo 12, 2025 matapos magkaaberya sa ere. Isa ito sa pinakamalalang aviation accidents sa India sa loob ng sampung taon.