
Ang malungkot na aksidente ay naganap ngayong Lunes, June 9, sa hilagang bahagi ng Malaysia. Isang bus na may sakay na mga university students ang bumangga sa minivan. Sa ulat, hindi bababa sa 15 ang nasawi—14 ay estudyante at isa ay bus attendant. Labintatlo ang agad na binawian ng buhay sa lugar, habang dalawa pa ang pumanaw sa ospital.
Sugatan naman ang 33 katao, pito sa kanila ay nasa kritikal na kondisyon. Ayon sa awtoridad, karamihan sa mga biktima ay edad 21 hanggang 23 taong gulang. Galing umano ang mga estudyante sa bakasyon dahil sa isang Islamic public holiday at pabalik na sa kanilang unibersidad.
Ayon sa salaysay ng isang estudyante, naamoy daw niya ang sunog na goma bago pa man mangyari ang banggaan. “Maayos ang biyahe, hanggang sa bigla ko na lang naamoy ang parang nasusunog na preno,” pahayag ni Wan Muhammad Hanifah Wan Azman, 22-anyos na animation student.
Sinabi ng Perak State Police na posibleng nawalan ng kontrol ang bus at binangga nito ang minivan mula sa likuran. May mga nakalabas ng kusa, may mga tumilapon, at mayroon ding na-trap sa loob ng bus.
Ilang sugatan ay na-discharge na mula sa ospital, ayon sa pulisya, ngunit wala pang tiyak na bilang ng mga nananatiling ginagamot. Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng aksidente habang nakikiramay ang buong komunidad sa mga naulila.