Ang isang 28-anyos na lalaki ay kasalukuyang nakakulong sa San Mateo Police Custodial Facility matapos mahuli sa kasong may kinalaman sa illegal na droga at sugal noong Hunyo 4 sa San Mateo, Rizal.
Habang nasa loob ng kulungan noong Hunyo 10, nagsagawa ng background check ang mga pulis at nadiskubre na may lumang warrant of arrest pa ang lalaki. Ito ay dahil umano sa panggagahasa at pangmomolestya sa kanyang menor de edad na pinsan.
Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen noong Enero 2016 kung saan dalawang beses daw niyang minolestya at ginahasa ang biktima na noon ay 13 taong gulang. Magkamag-anak daw sila, at itinuturing na second degree cousin.
Sabi ni Police Colonel Felipe Maraggun, ang lalaki ay may kasong 2 counts of sexual abuse na iniutos ng Regional Trial Court. Isa rin siya sa mga most wanted sa lalawigan ng Rizal dahil sa bigat ng kaso.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon habang naghihintay ng pormal na paglilitis ang akusado sa magkakahiwalay na kaso ng droga, sugal, at panggagahasa.