Ang 17-anyos na TikTok influencer na si Sana Yousaf ay binaril sa loob ng kanilang bahay sa Islamabad, Pakistan. Ayon sa pulisya, ilang beses na siyang kinulit ng suspek na 22-anyos bago nangyari ang krimen. Kakaselebra lang ni Sana ng kanyang kaarawan noong nakaraang linggo.
Si Sana ay may higit sa 800,000 followers sa TikTok, kung saan nagpo-post siya ng lip-sync videos, beauty tips, at promos para sa mga skincare products. Huling na-upload niyang video ay ang kanyang birthday celebration, ilang oras bago siya mapatay.
Ayon kay Police Chief Syed Ali Nasir Rizvi, “Ito ay malinaw na kaso ng paulit-ulit na pagtanggi. Tinangka ng lalaki na makipag-ugnayan sa kanya nang ilang beses.” Tinawag niya itong "gruesome and cold-blooded murder."
Habang nagluluksa ang marami, may ilang komento online ang nagpapakita ng paghusga kay Sana dahil sa pagiging aktibo niya sa social media—isang palatandaan ng pagkalat ng mapanirang pananaw sa mga kababaihan sa lipunang konserbatibo. Ayon sa women's rights activist na si Nighat Dad, ang ganitong mindset ay nag-uudyok ng karahasan sa kababaihan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may babaeng inatake matapos tumanggi sa isang lalaki sa Pakistan. Patuloy ang panawagan para sa proteksyon at katarungan para sa mga kababaihan, lalo na sa mga tulad ni Sana na piniling maging visible at vocal online.