Ang isang lalaki, 45 anyos, ay nahuli sa hidden camera habang nagnanakaw sa isang computer shop sa Barangay Maly, San Mateo, Rizal nitong Mayo 31. Sa kuha ng CCTV, makikitang tumitingin-tingin muna siya sa paligid, saka umakyat sa upuan at kinuha ang computer parts na agad niyang isinilid sa bag.
Ayon kay Jovy Dumagin, ina ng may-ari ng shop, matagal na nilang pinaghihinalaan ang lalaki dahil paulit-ulit na silang nawawalan ng AVR at motherboard. Dahil dito, nagdesisyon silang maglagay ng hidden cam para mahuli sa aktong pagnanakaw.
Sa kabuuan, nasa P40,000 ang halaga ng mga gamit na natangay, kabilang na ang isang motherboard na nagkakahalaga ng P11,000. Kinabukasan, may residenteng nagpadala ng CCTV mula sa kalapit na shop at dito na nagsimula ang paghabol sa suspek.
Habang iniimbestigahan sa barangay, bigla na lang tumakas ang suspek, pero agad ding natunton sa Montalban sa tulong ng mismong anak niya. Nang mahuli, aminado siyang ibinenta niya ang motherboard sa halagang P50 lang dahil sa matinding pangangailangan.
Ngayon ay nakakulong na ang suspek at nahaharap sa kasong theft. Bagama’t tumanggi siyang humarap sa media, inamin niyang gipit lang talaga siya sa buhay kaya niya ito nagawa.