Ang Filipino mountaineer na si Engr. Philipp “PJ” Santiago II, pinsan ng kilalang mamamahayag na si Emil Sumangil, ay pumanaw habang sinusubukang marating ang tuktok ng Mt. Everest noong Mayo 14. Siya ay 45 taong gulang at bahagi ng Snowy Everest Expedition 2025.
Ayon sa ulat mula sa Himalayan Times, nalagutan ng hininga si PJ sa Camp IV, habang naghahanda para sa summit push. Patuloy pa ring inaalam ang eksaktong sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sinabi ni Bodhraj Bhandari, Managing Director ng Snowy Horizon Treks, na ginagawa na ang hakbang upang maibaba ang kanyang labi papunta sa base camp. Sa kabila ng nangyari, nagpatuloy pa rin ang ibang miyembro ng grupo sa kanilang pag-akyat kinabukasan.
Kinumpirma ng Department of Tourism ng Nepal na ito ang unang naitalang pagkamatay ng banyagang climber ngayong Everest season.
Naglabas naman ng pahayag ang pamilya Santiago sa pamamagitan ng account ni Sumangil: “Ang aming pamilya ay humihiling ng dasal para sa kaluluwa ng aming mahal na si Engr. Philipp PJ Santiago II.” Dagdag pa nila, “Patuloy rin ang aming dasal para sa kaligtasan ni Karl Miguel Santiago.” Hiling ng pamilya na igalang ang kanilang pribadong panahon ng pagluluksa. Maraming salamat po sa inyong pag-unawa at panalangin.