Ang 7’1 na Chinese player na si Yang Hansen ay nagpapakita ng husay sa NBA Draft Combine 2025 na ginaganap sa Wintrust Arena at Marriott Marquis sa Chicago. Sa edad na 19, humanga ang mga scouts sa kanyang basketball IQ at galing sa pagpasa. Isa siya sa 75 manlalarong inimbitahan mula Mayo 11–18.
Ayon sa kanyang interpreter na si Chris Liu, "Masaya siya dito... game siya makipag-kompetensya sa lahat. Talagang nag-eenjoy siya." Ibinahagi rin ni Yang ang paghanga niya sa Chinese NBA legend na si Yao Ming, "Si Yao Ming ay idolo ko. Gusto ko siyang tularan at matuto mula sa kanya."
Sa nagdaang season sa Chinese Basketball Association, si Yang ay nagtala ng 16.6 points, 10.5 rebounds, at 2.6 blocks per game — stats na nagpapakita ng kanyang all-around skills sa court.
May ilang tagamasid ang naghambing sa kanya kay Nikola Jokic ng Denver Nuggets dahil sa kombinasyon ng laki, talino, at playmaking skills.
Habang patuloy ang NBA Draft Combine, isinasagawa pa rin ang mga athletic tests gaya ng vertical jump, bench press, agility drills, at iba pa. Sa ngayon, tuloy-tuloy ang pagpapakitang-gilas ni Yang Hansen.