
Pinuri ng Apostolic Nuncio sa Pilipinas ang mga Filipino “Roblox Catholics” dahil sa kanilang malikhaing paraan ng pagtuturo ng pananampalataya sa digital na mundo.
Sa mensahe para sa ika-5 anibersaryo ng grupong “Roblox Filipino Catholics” noong Enero 10, sinabi ni Apostolic Nuncio Charles Brown na nakatutulong ang grupo sa “innovative access sa Church catechesis” sa pamamagitan ng laro na Roblox.
Aniya, “Isang magandang senyales ng progreso kapag ang kabataang Katoliko ay aktibong humuhubog ng isang mas mahabagin at magkakapatid na lipunan. Ang social hub na inyong nabuo, kahit virtual, ay maaaring magsilbing espasyo ng suporta at pagkakaibigan, lalo na para sa mga nangangailangan.”
Pinuri rin ni Brown ang online simulation ng Traslacion na ginawa ng grupo kamakailan. “Natutuwa akong malaman na nakagawa kayo ng online simulation para sa Feast Day of Jesus Nazareno, na nagbibigay pagkakataon sa mga hindi makadalo sa Quiapo, Manila, na makiisa nang makabuluhan,” dagdag niya.
Binanggit din ng nuncio ang mensahe ni Pope Francis sa Fratelli Tutti: “Social friendship at universal fraternity ay nangangailangan ng pagkilala sa kahalagahan ng bawat tao, saanman at kailanman.” Hinikayat din ni Brown ang komunidad na magpatuloy sa kabanalan at maging saksi ng kanilang pananampalataya sa digital na mundo.




