
Isang tragedya ang yumanig sa Alaminos City, Pangasinan nang isang buntis at kanyang isang-taong-gulang na anak ang namatay sa banggaan ng tatlong sasakyan sa Old Bypass Road, Palamis, noong Pebrero 1 ng gabi.
Sangkot sa aksidente ang isang kulong-kulong, isang motorsiklo, at isang light truck. Ayon sa paunang imbestigasyon, papunta sa lamay ang pamilya sakay ng kulong-kulong, na bumabagtas sa pahilagang direksyon ng daan, kasunod ang motorsiklo.
Pagdating sa lugar ng insidente, nabangga ng motorsiklo ang likurang bahagi ng kulong-kulong. Dahil dito, tumilapon ang driver, ang kanyang misis na tatlong buwang buntis, at ang kanilang anak, at napunta sa kabilang linya. Kasunod nito, nabangga rin sila ng kasalubong na light truck.
Ang mga sakay ng kulong-kulong pati na rin ang rider at angkas ng motorsiklo ay nagtamo ng malubhang sugat at agad na isinugod sa ospital. Idineklarang dead on arrival ang misis at ang anak, habang patuloy na ginagamot ang padre de pamilya.
Lumabas sa imbestigasyon na nakainom ng alak ang rider ng motorsiklo. Sa kasalukuyan, inihahanda na ang kaso laban sa kanya. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matiyak ang hustisya para sa pamilya.




