
Patay ang isang senior citizen na lalaki matapos masaksak sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Buayan, M’lang, Cotabato, madaling araw ng Martes. Ayon sa paunang ulat, natagpuan ang biktima na wala nang buhay sa sala, may malubhang sugat na sanhi ng pananaksak.
Sa imbestigasyon, lumitaw na ang asawang babae, na isa ring senior citizen, ang huling kasama ng biktima sa bahay. Napansin ng mga awtoridad na walang senyales ng pwersahang pagpasok at may bakas ng dugo sa paa ng suspek, dahilan upang siya ay ituring na person of interest sa kaso.
Kalaunan ay umamin ang misis sa nagawang krimen at agad na inaresto ng mga pulis. Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng insidente at ihanda ang kaukulang kaso laban sa suspek.




