
Itinakda ng Supreme Court en banc ang oral arguments sa mga petisyon na kumukwestiyon sa ilang bahagi ng pambansang budget para sa 2024, 2025, at 2026. Ayon sa opisyal na pahayag ng SC, ang mga hearing ay gaganapin sa April 8 at April 22, 2026 sa Session Hall ng Korte Suprema sa Baguio.
Bago ang oral arguments, magkakaroon muna ng preliminary conference sa February 4, 2026 sa SC Session Hall sa Manila. Layunin ng mga petitioner na mga mambabatas, taxpayer, at concerned citizens na pawalang-bisa ang ilang pagbabago na ginawa ng Bicameral Conference Committees na nagpalaki sa national budget sa loob ng tatlong magkakasunod na taon. Kabilang dito ang unprogrammed appropriations at special accounts.
Isa sa mga petisyon ay inihain nina yumaong mambabatas Edcel Lagman, Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado, Jr., Basilan Rep. Mujiv Hataman, dating senador Aquilino “Koko” Pimentel III, at Congressman Pantaleon “Bebot” Alvarez. Layunin nila na ideklara bilang unconstitutional ang bicameral insertion ng P449.5 billion sa 2024 General Appropriations Act (GAA).
Kabilang din sa mga petisyon ang grupo na Filipinos for Peace, Justice, and Progress Movement Inc. (FPJPM) na kumukwestiyon sa mga amendment sa Special Accounts ng General Fund at iba pang appropriations sa 2025 GAA. Ayon sa SC, tumaas ang line-item appropriation para sa DPWH Special Road Fund mula P16.756 billion hanggang P34.748 billion sa naturang budget.
Kasama rin sa consolidated petitions ang Caloocan Rep. Edgar Erice at ML party-list Rep. Leila de Lima na kumukwestiyon sa constitutionality ng unprogrammed appropriations sa 2026 national budget. Ayon sa SC, iginiit ng mga mambabatas na ang probisyon ng 2026 GAA na nagpapahintulot sa unprogrammed appropriations ay dapat ideklara bilang null and void dahil ito ay labag sa konstitusyon.




